Tiniyak ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na welcome sa Maynila ang mga magsasagawa ng kilos-protesta, pero hindi papayagan ang paninira ng ari-arian at kaguluhan.
Sa harap ng command conference ng Manila Police District (MPD), sinabi ni Domagoso na mananatili ang high tolerance policy ng pamahalaang lungsod, ngunit may malinaw na limitasyon kapag may nanggulo o nanira.
Nilinaw ng alkalde na kailangang kumuha ng permit ang mga grupong magtitipon sa mga lugar na nangangailangan nito, habang malaya namang makapagsasagawa ng pagtitipon sa mga itinalagang Freedom Park.
Ayon kay Domagoso, kailangang balansehin ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at karapatan ng ibang Manileño na makagalaw at makapamuhay nang hindi naaabala.
Magde-deploy din ang lungsod ng suporta mula sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, Manila Traffic and Parking Bureau, at medical teams para sa seguridad at kaayusan ng mga demonstrasyon.
Binanggit din ni Domagoso ang Section 16 ng Local Government Code o General Welfare Clause bilang legal na batayan ng lungsod sa pamamahala ng public assemblies.
Pinuri rin ng alkalde si Manila Police District Acting District Director Police Brigadier General Arnold C. Santiago sa pagpapanatili ng peace and order situation sa Maynila.