Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda itong tumugon sa mga residenteng apektado ng panibagong pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, may sapat na naka-preposition na Family Food Packs (FFPs) sa Visayas region para agad na maipamahagi kung kinakailangan.
Sa kasalukuyan, may mahigit 192,000 Family Food Packs na nakahanda sa Negros Island Region, habang may karagdagang 100,000 FFPs na naka-preposition sa Region 7 (Central Visayas).
Sinabi rin ni Disaster Response Management Bureau Director Maria Isabela Lanada na tuloy-tuloy ang produksyon ng Family Food Packs sa Visayas Disaster Resource Center na pinakamalapit sa naturang rehiyon,
Kasabay nito, binigyang-diin ng kalihim ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi lamang tiyakin ang sapat na pagkain para sa mga apektadong pamilya, kundi maging mas maayos at komportable rin ang kanilang pananatili sa mga evacuation center.
Ito aniya ang dahilan kung bakit naglalagay na ang DSWD ng modular flooring sa mga family tent na idine-deploy sa evacuation centers para maiwasan ang pagpasok ng putik at tubig sa loob ng mga tent at para sa mas maayos na pananatili rito ng internally displaced families.