Nananatiling naka-Red Alert Status ang Quick Response Teams (QRTs) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matiyak ang agarang pagtugon sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng Typhoon Inday, kahit na humina na ito mula sa pagiging super typhoon.
Sa press briefing ng DSWD, sinabi ni Disaster Response Management Bureau Dir. Maria Isabela Lanada na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan para matiyak na may sapat na tulong sa mga lugar na posibleng tamaan ng bagyo, kabilang ang Batanes na nasa Signal no. 2, at mga lalawigang nasa ilalim ng Signal No. 1, partikular sa Northern Luzon.
Ayon kay Lanada, batay sa predictive analytics for humanitarian response, posibleng umabot sa mahigit 100,000 pamilya ang maapektuhan ng bagyo, kung saan tinatayang 46,000 pamilya ang kabilang sa mga vulnerable sector.
Sa kabila nito, tiniyak ng DSWD na nakahanda ang kanilang relief resources, kabilang ang mahigit 1.4 milyong Family Food Packs na naka-preposition sa mga rehiyong maaaring maapektuhan.
Sa Batanes naman, umabot na sa 23,776 Family Food Packs ang nakaimbak bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.
Bukod sa paghahanda ng relief supplies, sinabi rin ng DSWD na pinaigting na nito ang camp coordination at camp management strategies para matiyak ang maayos, at ligtas ang mga evacuation center kung kinakailangan.