Photo courtesy of former President and Representative Gloria Macapagal-Arroyo FB
Mariing itinanggi ng kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na may kinalaman o may alam siya sa kumakalat na ulat ukol sa umano’y planong pagpapatalsik kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Ito ang inihayag ng legal counsel ni Arroyo na si Atty. Joseph Frianeza, matapos mag-viral ng isang post ng Facebook blogger na si Mary Car Pasang Serrano.
Ayon pa kay Atty. Frianeza, hindi matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng naturang blogger.
Ibinahagi ng abogado ang screenshot ng online pubmat na naging mitsa ng reaksyon ng kampo ni Arroyo sa media.
Si Ombudsman Remulla, ay kabilang sa mga opisyal na maaaring mapatalsik lamang sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment sa ilalim ng Artikulo XI, Seksyon 2 ng 1987 Konstitusyon.
Naging mainit ang usaping ito sa bansa lalo pa’t kasalukuyan ding gumugulong sa Senado ang paglilitis sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.