Inireklamo ni Sen. Erwin Tulfo ang anim na indibidwal na nag-uugnay sa kanya sa maanomalyang flood control projects sa Mandaluyong Prosecutor’s Office.
Reklamong grave oral defamation in relation with Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isinampa ni Tulfo kina Atty. Levito Baligod, dating Congressman Mike Defensor, incumbent Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica, Atty. Virgilio Garcia, at 2 dating bodyguards ni dating Cong. Zaldy Co na si Jeron Valderama at Bernard Gumban.
Nag-ugat ang pagsasampa ng reklamo ni Tulfo sa hindi awtorisadong pagpapatawag ng pulong ng grupo na ginawa sa Senado.
Gayundin sa pulong na ginawa sa Garden Events Place sa Mandaluyong City, kung saan idinetalye ng tinaguriang 18 maleta boys ang listahan ng mga indibidwal na tumanggap ng maleta.
Una nang nadawit ang pangalan ni Tulfo sa alegasyong isa umano siya sa mga tumanggap umano ng maleta-maletang pera na may kaugnayan sa flood control scandal.
Ayon kay Tulfo, walang batayan ang mga alegasyon laban sa kanya at layunin lamang umanong sirain ang kanyang pangalan.
Bago nito, una nang nagsampa ng reklamong Grave Oral Defamation si Senador Erwin Tulfo laban sa tatlo sa 18 dating body guard sa Pasay City Regional Trial Court, noong Hunyo.