Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Agad na natutukoy ng Pamhalaang Panlalawigan ng South Cotabato ang mga lugar na maaaring maapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Inday dahil sa tinatawag na hazard maps.
Ito ang ibinahagi ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, Jr. sa programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay Gov. Tamayo, bagamat hindi masyadong dinadaanan ng bagyo ang South Cotabato ay normal para sa kanila na maapektuhan ng malalakas na pag-ulan dulot ng mga bagyo sa mga karatig nitong lalawigan.
Sinabi pa ng opisyal na mayroon na ring naitalang pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng probinsya ngunit masasabing “manageable” pa ang mga ito dahil sa pagkakaroon ng hazard maps at kagamitan na susukat sa rainfall rate.
Ilan lamang sa mga nakapagtala ng landslides, ani Gov. Tamayo, ay ang Koronadal, Polomolok, at iba pang matataas na lugar sa South Cotabato.
Dagdag pa ng gobernador, nakatutulong din ang hazard mapping sa pagtukoy sa mga lugar na tatamaan ng flashfloods at mudfloods.
Sa tulong din ng hazard maps, madaling mailikas ang mga kailangang ilikas mula sa kalamidad.