Pinapayuhan ng Malacañang ang mga Pilipino na i-monitor ang nagaganap na impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, upang ma-assess ng mga ito sa kanilang sarili kung ano na ang nangyayari sa bansa.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro nang hingan ng reaksyon kaugnay sa nagaganap na trial sa Senado.
Sabi ng opisyal, hindi mandato ng Ehekutibo na i-assess ang itina-takbo ng impeachment hearing. Trabaho na aniya ito ng mga Senador.
Mas mainam aniya kung ang mga Pilipino ang mag-batay sa impeachment trial at mag-assess nito.
“Hindi po mandato ng ehekutibo, ng Palasyo ang mag-assess sa nakaraang tatlong araw na hearing sa impeachment involving the Vice President. Ito po ay trabaho po ng mga sa Senado at definitely ang mga taumbayan din po ay dapat din po sigurong mag-monitor para ma-assess din po nila sa sarili nila kung ano ang nagaganap sa ating bayan.” -Castro.
Kaugnay nito, sinabi ng Palasyo na ang hiling lamang ni Pangulong Marcos, sundin ang batas at proseso sa pagdaraos ng trial.
At sa kasalukuyan, maayos naman aniya ang daloy ng mga pagdinig sa Senado.
“Ang hiling naman po ng Pangulo sa lahat ng pagkakataon ay sundin ang batas at ang proseso. Sa nakikita po at nababasa rin po natin naipapakita naman na nagiging maayos po ang daloy ng hearing sa Senado.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan