📷 Senate of the Philippines
Nilinaw ng prosecution panel sa nagpapatuloy na impeachment trial na maaari nang tanggapin at ituring bilang “original” ang mga photocopy at duplicate na dokumento sa korte, basta’t walang duda sa pagiging totoo o autentisidad nito.
Ayon kay House prosecution legal spokesperson Atty. Jay Tolosa nitong Miyerkules, ito ay alinsunod sa mga binagong patakaran sa ebidensya o ang updated rules on evidence.
Ginawa ni Tolosa ang pahayag matapos paulit-ulit na kwestyunin ng defense panel ang mga dokumentong iprinisinta sa testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung, kabilang ang mga kopyang may markang “certified true copy.”
“Under the new rules on evidence, malinaw ho ’yan. There’s a rule that we call the original document rule,” pahayag ni Tolosa sa isang press briefing. “Under that rule, duplicates such as photocopies are considered originals provided that there’s no genuine issue regarding their authenticity.”
Ipinaliwanag din ng abogado na ang pagkakaroon ng markang “certified true copy” ay hindi sapat na dahilan para kwestyunin ang katapatan ng dokumento.
“Kung ang nire-raise lang ho na mga discrepancies ay merong marka na certified true copy versus ibang copy, that is not a genuine issue of authenticity that’s being raised against it, because it shows that aside from that stamp or that marking, they’re the same. It’s a faithful reproduction of the original,” dagdag niya.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Tolosa na ang panuntunang ito ay nalalapat lamang sa mga pagdinig sa korte at hindi sa mga ordinaryong transaksyon sa labas ng paglilitis. Sinabi rin ng prosecution na maaari pa namang maghain ng pormal na pagtutol o evidentiary objections ang defense sa tamang panahon.
Samantala, sinabi naman ni Trial Spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na ang mainit na diskusyon sa isyung ito ay patunay lamang na seryosong nakatutok ang publiko sa takbo ng impeachment trial.
“Isa lang ibig sabihin niyan, nakatutok ang taumbayan at nakikinig sila,” ani Adiong.
Ayon kay Adiong, patuloy na magsasagawa ng press briefing ang prosecution upang tulungang ipaliwanag sa publiko ang mga teknikal na legal na nagaganap sa loob ng paglilitis. Pinuri rin niya ang papel ng media sa paghahatid ng impormasyon dahil sa mga usaping nais maliwanagan ng taumbayan.