Nakalatag na ang mga paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) katuwang ang 17 Lokal na Pamahalaan para sa inaasahang paghagupit ng Super Bagyong #IndayPH.
Pagtitiyak ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, gumagana ang lahat ng kanilang 73 pumping stations sa Metro Manila at mayroon pa silang paparating na 11 na mobile pump.
Sa ngayon, nakapre-position na rin ang rescue vehicle at rescue equipment ng MMDA para magamit sa pagresponde sa mga lugar na posibleng bahain dahil sa bagyo.
Sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mayroong 123 lugar sa Metro Manila ang laging binabaha gaya ng CAMANAVA, Quezon City, Mandaluyong at iba pa.
Samantala, sinabi naman ni Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora na ipinapaubaya na nila sa mga LGU ang pagsuspinde sa mga klase. | ulat ni Jaymark Dagala