Inatasan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng yunit ng Pulisy na paigtingin ang mga operasyon laban sa human trafficking at mahigpit na bantayan ang mga lugar na posibleng ginagamit sa mga aktibidad na ito.
Ginawa ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang direktiba kasunod ng paglalabas ng 2026 Trafficking in Persons (TIP) Report ng United States Department of State.
Dito, kinumpirma na napanatili ng Pilipinas ang Tier 1 status nito laban sa human trafficking sa ika-11 magkakasunod na taon.
Nangangahulugan ang Tier 1 status na ganap na natutugunan ng isang pamahalaan ang pinakamababang pamantayan para sa pagpuksa sa human trafficking na itinakda ng US Trafficking Victims Protection Act (TVPA) of 2000.
Bagama’t sumasalamin ang pagkilalang ito sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan laban sa human trafficking, tinukoy din sa ulat ang mga larangang nangangailangan pa ng pagpapahusay.
Kabilang dito ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, digital forensic capabilities, at pagtukoy at pagprotekta sa mga biktimang sinasamantala sa mga operasyon ng online scam.
Upang matugunan ang mga hamong ito, iniutos ni Nartatez ang pagpapabilis sa pagsasanay ng mga imbestigador na humahawak sa mga kasong may kaugnayan sa cyber-enabled trafficking.
Saklaw ng pagsasanay ang pangangalap ng digital evidence, pagsubaybay sa cryptocurrency, at pagsusuri sa mga online financial transaction na may kaugnayan sa mga trafficking syndicate.