Photo courtesy of Bureau of Customs
Matagumpay na naharang ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa international cargo facility ng Ninoy Aquino International Airport Complex sa Pasay City ang milyun-milyong pisong halaga ng ilegal na droga.
Sa report ng BOC-NAIA, isang inbound shipment na deklaradong “plastic and ropes” ang hinarang dahil sa derogatory information o tip na natanggap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nang isailalim ito sa physical examination, dito na tumambad ang mahigit 2,000 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na may halaga na aabot sa ₱14.29 milyon.
Agad naman tinurn-over sa PDEA ang mga naharang na kontrabando para sa laboratory examination at imbestigasyon.
Wala pa naman impormasyon kung saan galing ang inbound shipment at kung saan ito patungo sa bansa.Muli naman tiniyak ng BOC ang pagpapaigting sa border security ng bansa para maharang ang pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando.