PHIVOLCS
Sa ika-186 na araw ng pag-aalboroto ng bulkang Mayon, naitala ngayong July 10 ang pinakamataas na pagbuga ng sulfur dioxide o SO₂ sa nakalipas na 16 na taon.
Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa 7,475 tonelada kada araw ang emisyon ngayong araw mula sa 4,569 tonelada kahapon, na higit na mataas sa karaniwang 2,300 tonelada kada araw mula nang magsimula ang pagputok noong January 6.
Bagama’t nabawasan ang pagguho ng bato at pagdaloy ng pyroclastic density currents o uson, sinabi ng ahensya na ang pagtaas ng SO₂ ay maaaring senyales ng panibagong aktibidad sa bunganga at ng patuloy na banta ng mga volcanic hazards.
Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkang Mayon kung kaya’t mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6+kilometer Permanent Danger Zone dahil sa banta ng lava flow, pagguho ng bato, uson, at ashfall.
Pinag-iingat din ang mga komunidad laban sa lahar at rumaragasang putik lalo’t inaasahan ang malalakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Inday.
Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan. Patuloy namang binabantayan ng PHIVOLCS ang kalagayan ng bulkang Mayon at agad na maglalabas ng panibagong abiso kung may mga bagong maitatalang aktibidad. | ulat ni Paul Hapin