Photo Courtesy of Philippine Coast Guard
Tinatayang aabot na sa halos 1,000 pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa matapos suspendihin ang mga biyahe sa dagat bunsod ng epekto ng Typhoon Inday, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa Maritime Safety Advisory ng PCG mula 4:00 ng hapon hanggang 8:00 kagabi ng Biyernes, Hulyo 10, umabot sa 62 pantalan ang naapektuhan sa Southern Tagalog, Luzon, Visayas, Palawan, at BARMM.
Sa kabuuan, 957 pasahero, truck driver, at cargo helper ang na-stranded, kasama ang 242 rolling cargoes, 13 sasakyang pandagat, at 33 motorbanca. Samantala, 168 vessels at 154 na motorbanca ang pansamantalang sumilong upang makaiwas sa mapanganib na kondisyon ng karagatan.
Pinakamarami ang naitalang na-stranded sa Southern Tagalog na may 316 pasahero, sinundan ng Western Visayas na may 261, at BARMM na may 130 pasahero.
Patuloy na binabantayan ng PCG ang lagay ng panahon at mga pantalan habang pinapayuhan ang publiko na sundin ang mga abiso ng mga awtoridad at umiwas sa hindi kinakailangang paglalayag hangga’t nananatiling mapanganib ang kondisyon ng dagat dahil sa Typhoon.