Photo Courtesy of PHIVOLCS
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS sa Bulkang Mayon ng 241 rockfall, 10 volcanic earthquakes, at anim na pyroclastic density current (PDC) signals, o uson, ayon sa ulat ng ahensya ngayong July 11, 2026.
Nakitaan din ng banaag ang bulkan habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava sa mga gulod ng Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (2.1 km).
Umabot sa 7,475 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan, batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya noong July 10.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, habang nagsisimula ang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.