Sinabi ni Senador Ping Lacson na ang pagtanggi ng Sandiganbayan sa kahilingan ni Senador Jinggoy Estrada na makadalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay maaaring makaiwas sa Senate Impeachment Court na gumawa ng hakbang na maaring mabigyang-kahulugan bilang panghihimasok sa isang kasalukuyang proseso ng hudikatura.
Pinunto ni Lacson ang hiling ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano sa impeachment court na makipag-ugnayan sa Sandiganbayan para pahintulutan sina Estrada at Senador Rodante Marcoleta na makalahok sa paglilitis, kahit nahaharap ang dalawa sa mga kasong plunder at graft sa anti-graft court.
Sinabi ng senador na ang naging pasya ng Sandiganbayan ay maaaring magligtas sa impeachment court sa pagtalakay sa hiling ni Cayetano.
Aniya, kung sakaling umakto ang impeachment court ay maaari itong magbigay ng impresyon na nakikialam sila sa isang nagpapatuloy na proseso ng korte.
Gayunman, nilinaw naman ni Lacson na personal lang niyang pananaw ang naturang posisyon at kinakailangan pa itong pag-usapan ng mga senator-judges.
Nauna rito, iniulat na ibinasura ng Fifth Division ng Sandiganbayan ang mosyon ni Estrada dahil sa kakulangan ng merito.