Patuloy na nagpapakita ng mataas na aktibidad ang Bulkang Mayon matapos makapagtala ng 125 volcanic earthquakes at 344 rockfall events sa nakalipas na 24 oras, ayon sa DOST-PHIVOLCS ngayong Hulyo 12.
Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, ngunit nagbabala ang ahensya na may posibilidad itong itaas sa Alert Level 4 kung magpapatuloy ang pagtaas ng aktibidad.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala rin ang sulfur dioxide (SO₂) emission na 13,128 tonelada kada araw noong Hulyo 11, ang pinakamataas na naitala sa Bulkang Mayon sa nakalipas na 26 na taon.
Patuloy ding umaagos ang lava sa Basud, Bonga, at Mi-isi gullies, habang nakikitaan ng bahagyang pamamaga ang hilagang-silangang bahagi ng bulkan, na indikasyon ng patuloy na pag-akyat ng magma.
Nagbabala ang PHIVOLCS na ang mataas na antas ng SO₂ emission, pagdami ng volcanic earthquakes, at tuloy-tuloy na lava effusion ay maaaring magpahiwatig ng paglipat ng kasalukuyang aktibidad sa mas mapanganib at posibleng eksplosibong pagputok.
Kapag itinaas sa Alert Level 4, nangangahulugan ito na maaaring magkaroon ng mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang oras hanggang ilang araw.
Dagdag pa rito, dahil sa nararanasang malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat sa Albay, tumataas din ang banta ng lahar o rumaragasang putik at bato sa mga ilog at kanal sa paanan ng bulkan.
Pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na mahigpit na iwasan ang 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at maging handa sa agarang paglikas kung lalala pa ang sitwasyon at itataas ang alert level.