Nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos makapagtala ang DOST-PHIVOLCS ng zero volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, ayon sa monitoring bulletin na inilabas nito ngayong Hulyo 12.
Bagama’t walang naitalang pagyanig, nananatiling may bahagyang pamamaga (inflation) ang bulkan, na indikasyon ng patuloy na aktibidad sa ilalim nito.
Naitala rin ang sulfur dioxide (SO₂) emission na 64 tonelada kada araw, batay sa pinakahuling pagsukat noong Hulyo 8, habang natatakpan ng ulap ang tuktok ng bulkan sa oras ng obserbasyon.
Nagpaalala ang PHIVOLCS na sa ilalim ng Alert Level 1, may posibilidad pa rin ng biglaang steam-driven o phreatic explosions.
Kaya naman, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at sa 2-kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi ng bulkan.
Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng Bulusan dahil sa posibleng panganib mula sa volcanic ash at iba pang materyales.