Photo courtesy of Laguna Lake Development Authority (Official)
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) kaugnay ng umano’y walang pahintulot na water discharge ng Manila Water Company sa Laguna Lake.
Ayon sa LLDA, isinagawa ang flushing ng bagong pipeline bilang bahagi ng East Bay Transmission Mains Phase 2 Project.
Gayunman, sinabi ng ahensya na itinuloy ang operasyon kahit wala pang pormal na pag-apruba o clearance mula rito.
Nagpadala na ang LLDA ng Quick Response Team upang magsagawa ng inspeksyon at kumuha ng mga water sample upang malaman kung may naging epekto ito sa kalidad ng tubig at sa kalikasan.
Nakatakda namang makipagpulong ang LLDA sa mga opisyal ng Manila Water sa Hulyo 13 upang talakayin ang insidente, alamin ang mga posibleng paglabag, at tukuyin ang kaukulang aksyon.
Tiniyak ng LLDA na patuloy nitong pangangalagaan ang Laguna Lake habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.