Tatlong katao ang inaresto ng Philippine National Police (PNP) matapos makumpiska ang hinihinalang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng mahigit ₱20.8 milyon sa isang checkpoint sa Magsaysay, Misamis Oriental.
Ayon sa ulat na isinumite kay PNP Chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr., hindi huminto ang isang cargo truck sa checkpoint. Sa halip, binangga nito ang harang at tumakas.
Matapos ang pagtugis, naharang ang truck at natuklasang may 520 master cases ng hinihinalang smuggled cigarettes na itinago sa ilalim ng mga bungkos ng abaca fiber.
Dinala na sa himpilan ng pulisya ang tatlong indibidwal at ang mga nakumpiskang kontrabando para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ayon sa PNP, paiigtingin pa nito ang kampanya laban sa smuggling at ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa.