Pansamantalang ipinagpaliban ng Department of Energy (DOE) ang ikalimang yugto ng Green Energy Auction Program (GEA-5) para sa offshore wind projects upang higit pang mapatatag ang balangkas ng programa at matiyak ang maayos na implementasyon nito.
Ayon sa DOE, isinasagawa ang komprehensibong pagrepaso sa auction framework katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan at mga stakeholder.
Layunin nitong tiyakin ang kahandaan ng imprastraktura, transmission capacity, regulatory requirements, at iba pang mahahalagang aspeto bago ituloy ang kauna-unahang offshore wind auction sa bansa.
Kasama rin sa recalibration ang paglinaw sa environmental at tenurial requirements, pagpapalakas ng project readiness validation, at pagsasaayos ng mga tuntunin upang mapataas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan at matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng mga proyekto.
Inaasahang iaanunsyo ng DOE ang bagong iskedyul ng GEA-5 matapos makumpleto ang teknikal na pagsusuri at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya.
Nananatili rin ang layunin ng kagawaran na mapabilis ang pag-unlad ng offshore wind at makapaghatid ng maaasahan, sustainable, at abot-kayang clean energy para sa mga Pilipino.