Photo courtesy of Representative Brian Yamsuan
Nangako si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan na hahanap ng alternatibong mapagkukunan ng pondo para sa Commission on Higher Education (CHED) sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, sakaling tuluyang maisabatas ngayong taon ang pagbuwag sa travel tax.
Sa kasalukuyan, nakakakuha ang CHED ng bahagi ng kanilang pondo mula sa 40 porsiyento ng kabuuang koleksyon ng travel tax para sa Higher Education Development Fund (HEDF).
Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa Fiscal Year 2027, ang pondo ng HEDF ay nakadepende pa rin sa mga koleksyon mula sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Pagtiyak ni Yamsuan kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, magtatrabaho ang Kongreso para hanapan ang ahensya ng alternative sources of funding.
Ayon kay Agrupis, kapag nabuwag ang travel tax nang walang kapalit na pondo, mawawalan ang CHED ng humigit-kumulang 85.6% ng pondo ng HEDF na makaaapekto sa scholarship, pananaliksik, institutional upgrading, at tourism-education na mga programa.
Ipinaalala ni Yamsuan, na kasapi ng House Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc), na nakapasa na sa Kamara noong March16 ang panukalang nag-aabolish sa travel tax, habang nakalinyang ipasa ng Senado ngayong taon.
Dahil dito, makikipagtulungan siya kay Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Angela Suansing upang maibalik ang pondo at hindi maantala ang mga proyekto ng ahensya.