Photo courtesy of Malabon City Mayor Jeannie Sandoval Facebook
Bumisita si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa Tugatog Public Cemetery upang tingnan ang sitwasyon ng mga dumadalaw.
Hinimok niya ang mga residente na isabuhay ang mga aral ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay at patuloy na mahalin at pahalagahan ang pamilya.
Batay sa tala ng lungsod, umabot sa 11,643 ang mga dumalaw sa walong sementeryo sa Malabon mula Oktubre 30 hanggang kaninang umaga.
Nasa 264 na tauhan ang itinalaga sa iba’t ibang staging area at help desk upang umalalay sa publiko. Nasa 108 indibidwal naman ang nabigyan ng tulong medikal.
Pinaalalahanan din ang publiko na sundin ang mga patakaran sa sementeryo, kabilang ang hindi pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay.
Tiniyak ng pamahalaang lungsod ang patuloy na pagpapabuti sa mga pasilidad at serbisyo sa Tugatog Public Cemetery para sa mas maayos at marangal na paggunita sa mga yumao.