Naibalik na ng Manila Electric Company (Meralco) ang serbisyo ng kuryente sa halos lahat ng customers na naapektuhan ng power interruption dulot ng Habagat.
Nasa 2,800 na lang ang bilang ng mga apektadong customers kung saan mahigit 1,000 sa mga ito ay nasa mga lugar na binaha sa ilang bahagi ng Metro Manila, Cavite at Bulacan.
Ayon kay Meralco Vice President and Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, patuloy ang pagtatrabaho ng kanilang mga crew at personnel para makumpleto ang restoration sa mga natitirang customers.
Nagpasalamat din siya sa pasensya ng mga customers at sa tulong ng mga ito sa pag-report ng outages sa kanilang lugar, na nakatulong upang mapabilis ang restoration efforts.
Samantala, nagsimula nang maghanda ng relief packs ang One Meralco Foundation para sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha. | ulat ni Diane Lear