Tuloy-tuloy ang distribusyon ng family food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigan sa siyam na rehiyon na apektado ng mga pag-ulan at pagbahang dulot ng Bagyong Inday at pinalakas na Habagat.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na sa 48,641 family food packs (FFPs) ang naipaabot nito sa mga residente partikular ang mga pansamantalang lumikas dahil sa malakas na ulan at pagbaha.
Bukod dito, nasa 1,308 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 3,967 non-food items (NFIs) na rin ang naipamahagi ng ahensya.
Pinakamarami ang nai-dispatch sa SOCCKSARGEN na umabot sa higit 27,000 food packs.
Bahagi ito ng augmentation request mula sa mga lokal na pamahalaan na nakalaan para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga local government unit (LGU) para matiyak na walang maaantalang tulong sa mga apektadong komunidad.