Aabot sa 4,242 na Agrarian Reform Beneficiaries sa lalawigan ng Negros Oriental ang nabiyayaan sa pinakahuling pamimigay ng Department of Agrarian Reform ng titulo ng lupa at ang pagpapawalang bisa ng utang sa amortization sa lupang sinasaka ng mga ARB.
Isinagawa ang ceremonial turnover sa mga ito sa Dumaguete City, Negros Oriental kung saan nagtipon ang mga opisyal ng local na pamahalaan at mga kinatawan ng DAR.
Nasa 922 titulo ng lupa at 2,630 Certificate of Condonation with Release of Mortgage o COCROM ang naipamigay.
Mismong si Agrarian Reform Undersecretary Rowena Nina Taduran ang nanguna sa pamimigay na siya ring kumatawan at nagparating ng mensahe ni Secretary Conrado Estrella III.

Malugod na dinaluhan ni Negros Oriental Governor Manuel Chaco Sagarbarria ang mahalagang sandali para sa mga ARB sa kanilang lalawigan kung saan nagpasalamat ang gobernador sa national government sa pamamagitan ng DAR sa pagtupad sa pangakong maipamigay ang titulo ng kanilang sinasakang lupain alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Nangako naman si Sagarbarria na tutumbasan ng kapitolyo ng mga programa na magpapatuloy sa suporta sa mga magsasaka ng lalawigan lalo na sa mga ARB.
Naroon din ang mga opisyal mula sa Mabinay, Amlan, Manjuyod, at Santa Catalina, ang mga LGU kung saan nagmula ang mga ARB na benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng gobyerno.
📸 Provincial Government of Negros Oriental