Photo courtesy of DENR-NCR
Nasa kustodiya na ng DENR–National Capital Region (DENR-NCR) ang mga nakumpiskang pinaghihinalaang ilegal na agarwood products na itinurn-over ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa Pasay City.
Kabilang sa mga itinurn-over sa DENR-NCR ang isang pouch ng agarwood chips, isang pole saw, isang chainsaw, at wildlife by-products gaya ng dalawang pares ng bungo at sungay ng ram species.
Naharang ang mga kargamento matapos matukoy na wala itong kaukulang permit at mga dokumentong kinakailangan para sa legal na pagpasok sa bansa.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang agarwood o Aquilaria malaccensis ay kabilang sa mga protektadong species sa ilalim ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).
Dahil dito, kinakailangan ang espesyal na pahintulot para sa pag-aangkat at kalakalan ng naturang uri ng produkto.
Pinangunahan ni Forester Florante Morales ng Wildlife Traffic Monitoring Unit–NAIA ang turnover bilang bahagi ng pagtutulungan ng DENR-NCR at BOC-NAIA sa pagsugpo sa ilegal na kalakalan ng wildlife at forest products. Magsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon ang DENR-NCR, habang mananatiling nasa kustodiya ng ahensya ang mga nakumpiskang kagamitan at wildlife by-products na maaaring magsilbing ebidensya sa mga posibleng paglabag sa batas.