Nagsasagawa na ng joint investigation ang Trece Martires Police at Department of Education (DepEd) kaugnay ng deworming activity sa isang paaralan sa Cavite na ikinasawi ng isang mag-aaral sa Grade 4.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allan Rae Co, nakikipag-ugnayan na ang Trece Martires Police sa DepEd upang imbestigahan ang insidente.
Bagama’t hindi pa matukoy kung may kapabayaan, sinabi ni Co na mahalagang maisagawa ang imbestigasyon dahil may isang estudyanteng nasawi at pito iba pa ang nakaranas ng masamang pakiramdam matapos ang aktibidad.
Wala pa ring impormasyon ang PNP sa kasalukuyang kalagayan ng iba pang mga estudyanteng nakaranas ng pagsusuka at iba pang sintomas.
Batay sa initial medical findings ng DepEd, infection na humantong sa septic shock ang naging sanhi ng pagkamatay ng Grade 4 student. Bago pumanaw noong July 3, nakaranas muna ng pagsusuka ang estudyante at isinugod sa ospital.