Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng lokal na tanggapan at unit nito na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) para sa pagpapatupad ng active shooter drill sa lahat ng paaralan sa bansa.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin nitong mapalakas ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Nartatez na magsisilbing proteksiyon at depensa ang active shooter drill sa oras ng emergency.
Nauna namang sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na ituturo rito ang mga wastong hakbang at protocol na dapat sundin sakaling magkaroon ng insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan.
Bukod dito, nagsagawa rin ang DepEd, PNP, at iba pang stakeholder ng konsultasyon upang makabuo ng mga protocol para sa mga ganitong insidente.
Inatasan din ni Nartatez ang mga police commander na makipag-ugnayan sa mga paaralan upang matiyak ang presensiya ng mga pulis sa active shooter drill.