Umabot na sa ₱45.88 milyon ang naipamahaging humanitarian assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Inday at ng habagat.
Batay sa ulat ng DROMIC, nakapagbigay ang DSWD ng mahigit 54,900 family food packs, 1,732 non-food items, at 6,094 ready-to-eat food packs sa mga apektadong komunidad.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima, kabilang ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong pamilya.
Sa ngayon, may mahigit 4,300 pamilya, o halos 18,000 indibidwal, ang pansamantalang nanunuluyan sa 134 evacuation centers habang patuloy na minomonitor ng mga social worker ang kanilang kalagayan.
Ayon pa kay Dumlao, mahigit 150,000 pamilya, o tinatayang 669,000 indibidwal, ang naapektuhan ng bagyo sa iba’t ibang rehiyon. Samantala, umabot na sa 21 ang naitalang nasawi, ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).