Nagpaabot na ng pakikiramay ang Quezon City government sa pamilya ng tatlong magkakapatid na nasawi matapos makuryente sa kanilang apartment sa Brgy. Pinyahan noong Biyernes.
Ayon sa QC LGU, bilang paunang tulong ay sasagutin na nito ang funeral expenses ng mga biktima, anuman ang maging desisyon ng pamilya hinggil sa burol o cremation ng mga labi.
Magbibigay din ng educational assistance, sa tulong ng Social Services Development Department (SSDD), para sa nakababatang kapatid ng mga biktima.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng QC Department of Building Official (DBO) at Quezon City Police District (QCPD) para alamin kung may naging pagkukulang sa nangyari.
Base sa Local Building Code of Quezon City (City Ordinance SP-2518, S-2016), responsibilidad ng mga building owner na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-ookupa sa apartment kaya’t kailangang mayroon itong mga karampatang permit, tulad ng Locational Clearance, Fire Safety Inspection Certificate, at Electrical Permit.
Kasunod nito ang panawagan sa mga nagpaparenta ng mga apartment o kwarto sa buong lungsod na maging responsable at tiyaking naaayon ang kanilang permit sa lahat ng panuntunan ng pamahalaan para maiwasan ang mga ganitong klaseng insidente.