Nagpahayag ng buong suporta si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa plano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay na paunlarin ang 39-ektaryang Legazpi Old Airport property bilang bahagi ng redevelopment program ng lalawigan.
Sa kanyang pagbisita sa Albay, sinabi ni Teodoro na wala nang mahalagang gamit ang lumang paliparan para sa DND dahil hindi na ito ginagamit bilang airport.
Aniya, mas mainam na mailipat ang mga pasilidad ng ahensya sa isang mas estratehikong lokasyon malapit sa Bicol International Airport sa Daraga, upang mapalakas ang humanitarian assistance at disaster response operations sa rehiyon.
Binigyang-diin din ng kalihim na kailangang makipag-ugnayan sa iba pang national government agencies upang matukoy ang angkop na lugar para sa mga kagamitan at pasilidad ng DND.
Ayon sa kalihim, mahalagang magkaroon ng permanenteng base ang disaster response assets upang mas maging epektibo ang pagtugon sa oras ng kalamidad.
Nauna nang inihayag ni Albay Governor Noel Rosal na nakikipagpulong na ang Pamahalaang Panlalawigan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at DND kaugnay ng planong township project sa dating lokasyon ng Legazpi Old Airport, na inaasahang magbibigay ng bagong oportunidad para sa kaunlaran at pamumuhunan sa lalawigan.