Sa pagpasok ng panibagong bagyo ay muling inabisuhan ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda na maghanda sa posibleng epekto ng Bagyong Josie.
Pinapayuhan ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga pananim at ilikas ang mga reserbang binhi, mga materyales sa pagtatanim, at iba pang gamit pansaka.
Pinalilinis na rin ang mga irrigation canal para maiwasan ang pagbaha at mapabilis ang pagdaloy ng tubig.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na ring hanguin ng maaga ang mga isda at ipagpaliban na muna ang pagpapalaot lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malakas na hangin at alon dahil sa bagyo.
Sa panig ng DA, tiniyak naman nitong tuloy-tuloy na ang paghahanda nito para ayudahan ang mga maapektuhang magsasaka at mangingisda ng bagyo.
Kabilang dito ang paghahanda ng mga binhi at pakikipag-ugnayan na rin sa mga LGU at Regional DRRM offices.
