Photo courtesy of Rep. Sarah Elago Facebook
Binatikos ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang naging tugon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga reklamo ng overbilling at maling meter reading ng Meralco.
Ayon kay Elago, bigo ang ERC na protektahan ang mga consumer.
Kinuwestiyon ng mambabatas ang kamakailang payo ng ERC kung saan hinimok ang mga consumer na magtabi ng buwanang record ng kanilang meter reading, at bayaran muna ang kuwestiyonableng bill “under protest” upang maiwasan ang maputulan ng kuryente.
Diin ni Elago, “kalokohan” ito dahil responsibilidad ng Meralco na tiyaking tama ang kanilang meter reading.
Dagdag pa ni Elago, dahil sa dumadagsang reklamo sa overbilling sa mga social media, patunay umano ito sa malalim na problema sa regulasyon ng mga electric utility.
Inihain din ng mambabatas ang resolution upang pormal na imbestigahan ang isyu.