File/PCO Photo
Nakikita ng isang ekonomista na may makukuhang malaking investments para sa Pilipinas ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bansang Singapore.
Ito’y bukod pa sa inaasahang mas pinalakas na bilateral relations at regional cooperation ng dalawang bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Filipino-Canadian Economist na si Dr. Michael Batu, sinabi nito na matagal ng direct partner ng Pilipinas ang Singapore sa larangan ng pamumuhunan.
Aniya, nakatuon ngayon ang Singapore sa paghahanap ng bagong lokasyon para sa kanilang digital infrastructure – bagay na kapakikinabangan ng Pilipinas.
Punto ni Batu, ang Singapore ay maliit lamang na bansa at ang Pilipinas ay kayang makapagbigay ng mga lokasyon para sa Data Center na nais ipagawa nito.
Mula sa oportunidad na ito, makapagbibigay ito ng mga trabaho sa mga Pilipino at makatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.