Isinusulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang Personal Equity and Retirement Account bilang benepisyo sa trabaho upang matulungan ang mga empleyadong Pilipino na makapaghanda para sa kanilang pagreretiro.
Ang PERA ay boluntaryong retirement savings program sa ilalim ng Republic Act Number 9505 o PERA Act of 2008 at pandagdag sa benepisyo mula sa Social Security System at Government Service Insurance System.
Maaaring maghulog ng hanggang dalawang-daang libong piso kada taon ang mga empleyadong nasa Pilipinas, habang hanggang apat-na raang libong piso naman para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa. Tax-free ang kikitain at withdrawal pagsapit ng edad na limampu’t lima.
Maaari ring makakuha ang mga employer ng 150 porsiyentong tax deduction sa kanilang kontribusyon sa PERA ng mga empleyado sa ilalim ng Capital Markets Efficiency Promotion Act. | ulat ni DK Zarate