Itinuturing ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na “win-win” solution ang inanunsyong pagpapababa ng housing loan interest rates at pagtataas ng loan ceiling ng Pag-IBIG Fund.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, makikinabang dito ang parehong homebuyers at private developers dahil inaasahang magpapasigla ito sa housing at real estate sector, magbibigay ng mas malawak na access sa mga nais magkaroon ng sariling bahay.
Sa ilalim ng bagong programa, ibinaba ng Pag-IBIG Fund sa 4.5% ang promotional housing loan rate para sa economic housing at itinaas sa ₱10 milyon ang maximum loanable amount.
Mananatili naman ang 3% interest rate para sa socialized housing sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Pinayagan na rin ng Pag-IBIG ang hanggang tatlong borrower na pagsamahin ang kanilang kita sa iisang housing loan application para mas maraming Pilipino ang maging kwalipikado sa pabahay.