Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binigyang-diin ng isa sa mga private prosecutor ng House Prosecution Team na ang Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ay isang pagkakataon upang malaman kung ang isang mataas na opisyal na karapat-dapat na pamunuan ang ating bansa.
Ito ay bukod pa sa pagtukoy ng accountability at sa kakayahan na manatili sa pwesto.
Sa panayam sa programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni House private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na hindi lamang usaping politikal at legal ang impeachment trial, kung hindi para ito sa sambayanang Pilipino.
Ani Atty. Kapunan, ikinagagalak nila ang natatanggap na feedback patungkol sa paglilitis, lalung-lalo na at marami sa ating mga kababayan ang nakasubaybay dito.
Ayon pa sa private prosecutor, marami ang handang makinig sa mga testimonya at makita ang mga ipiprisintang ebidensya.
Inihayag din ni Atty. Kapunan na kaya isinasagawa ang isang impeachment trial ay upang matiyak na nasusunod ang ating konstitusyon at masigurong mayroong rule of law sa ating bansa.