Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Patuloy na pinalalawak ng konsulado ng Pilipinas ang mga serbisyong hatid para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Hong Kong sa pamamagitan ng kanilang programang “Sabado sa Konsulado”.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Consulate General in Hong Kong Consul General Romulo Victor Israel, Jr., ipinaliwanag nito na ang inisyatiba ng konsulado ng Pilipinas sa nabanggit na programa ay upang mapaglingkuran ang mga OFW na karaniwang may day-off sa araw ng Sabado.
Ayon kay ConGen Israel, karamihan sa mga nagtatrabaho sa Hongkong lalo na ang mga domestic worker ay araw ng Linggo ang day-off, ngunit napag-alaman nila na mayroon ding iba sa ating mga kababayan na ibang araw ang rest day kaya isinagawa nila itong kanilang programa.
Sa ngayon, aniya, tuwing huling Sabado pa lamang ng buwan nila ito ipinapatupad kaya hinihikayat nila na magparehistro online ang mga aplikante para sa mabilis na proseso ng kanilang transaksyon.
Dagdag pa ng opisyal, nakiisa na rin ang iba pang mga ahensya ng gobyerno na nasa konsulado upang makapagbigay na rin ng kani-kanilang serbisyo.