Nagbigay na ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 85,000 pamilyang naapektuhan ng Bagyong Inday at habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, mahigit 85,000 family food packs, higit 11,000 ready-to-eat food packs, at mahigit 3,000 non-food items ang naipamahagi sa mga apektadong komunidad.
Patuloy ang relief operations ng ahensya, lalo na sa SOCCSKSARGEN at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan marami pa ring pamilya ang nananatili sa mga evacuation center.
Batay sa tala ng DSWD, may 85 evacuation center pa ang bukas na kumukupkop sa 4,698 pamilya, o mahigit 20,000 indibidwal.
Samantala, nagpapatuloy rin ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Nakatanggap ng tig-₱5,175 ang 4,200 magsasaka at mangingisda sa General Santos City.
Bukod dito, nagbigay rin ang DSWD ng financial assistance, burial assistance, at psychosocial support sa mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang kalamidad, kabilang ang mga naulila ng mga nasawi.