Pina-subpoena ng senate impeachment court ang unang hanay ng mga testigo ng prosekusyon kaugnay ng articles of impeachment na may kinalaman sa maling paggamit ng confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte.
Pinagbigyan ni Presiding Officer Chiz Escudero ang kahilingan ng House prosecution panel na ipatawag sina Marivic Pareja ng Legislative Archives, Museum Management Service ng Kamara, dating mga Land Bank branch manager na sina Violeta Constantino at Nenita Camposano, at si Land Bank official Lynette Ortiz.
Bukod sa subpoena ad testificandum para sa kanilang pagtestigo, inatasan din si Ortiz sa pamamagitan ng subpoena duces tecum na magsumite ng mga tinukoy na dokumentong may kaugnayan sa confidential funds article.
Inatasan ang mga testigo na humarap sa impeachment court sa July 21 at 22 Martes at Miyerkules.
Bago isalang ang mga nabanggit na testigo, haharap muna sa Impeachment court ang huling testigo ng prosekusyon para sa Article 4 (assassination plot) na si NBI Director Melvin Matibag.
Una nang pina-subpoena ng Impeachment Court si Matibag. | ulat ni Nimfa Asuncion