Hiniling ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na magkaroon ng dagdag na oras para pag-aralan ang hiling ng prosekusyon na ipa-subpoena ang mga bank at tax records ni Vice President Sara Duterte at iba pang kaugnay na indibidwal at kumpanya.
Sa kanyang manifestation sa impeachment court nitong miyerkules, giniit ni Cayetano na dapat pag-aralang mabuti ang bawat isyung nakapaloob sa mosyon.
Sinabi ni Cayetano na mahalagang maging patas sa magkabilang panig at sa mga senator-judge sa pagtalakay sa mga mosyon.
Aniya, maraming magkakaibang legal na usapin ang nakapaloob sa mga kahilingan para sa subpoena, kabilang ang mga peso at dollar accounts, mga rekord ng Bise Presidente, ng kanyang asawa, at ng mga kumpanyang iniuugnay sa kanila.
Ipinaliwanag ni Senator-Judge Alan, bagama’t naniniwala siyang may eksklusibong hurisdiksyon ang Impeachment Court, may mga itinakdang limitasyon at pamantayan ang Korte Suprema na dapat ding isaalang-alang.
Dahil dito, sinabi niyang mahirap bumoto sa isang kabuuang mosyon kung may mga bahagi nito na maaaring may magkakaibang legal na implikasyon.
Bukas din aniya siya sa posibilidad na maglaan pa ng karagdagang araw sa susunod na linggo para sa mas masusing pagtalakay ng mga senador sa usapin.
Gayunman, sinabi ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na nakatali ang Impeachment Court sa dalawang nakabinbing mosyon na inihain ng mga partido—ang kahilingan para sa subpoena sa bank at AMLC records, at ang hiwalay na kahilingan para sa BIR records.
Bagama’t kinikilala ni Escudero may mga sub-issues sa bawat mosyon, sinabi niyang malamang na pagbobotohan ng Senado ang mga ito batay sa mismong mga mosyon at hindi sa bawat hiwalay na isyung nakapaloob dito, maliban na lang kung may mapagkakasunduan sa caucus ng mga senator-judge. | Nimfa Asuncio