Inaasahang tataas pa ang buffer stock ng bigas buhat sa bagong post-harvest facility na pinasinayaan ng National Food Authority (NFA) sa Dumangas, Iloilo nitong Miyerkoles.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay NFA Administrator, Dr. Larry Lacson, ibinida nito ang post-harvest facility na siyang kauna-unahang pasilidad na natapos sa bansa.
Ayon kay Lacson, tampok sa pasilidad, na nagkakahalaga ng P355.4 milyon, ang isang rice mill na may kapasidad na 10 tonelada kada oras at isang mechanical grain dryer na may kapasidad na 240 tonelada kada araw – bagay na nagbibigay-daan sa NFA na bumili, magproseso, at mag-imbak ng palay ng mas episyente.
Aniya, hindi na katulad noong dati na kapag pumunta sa kanila ang mga magsasaka na basa ang kanilang ibebentang palay ay sasabihan pa nilang patuyuin muna at wala na silang espasyo para magpatuyo nito.
Sinabi rin ng opisyal na 36 ang kabuoang ipinatatayong mga post-harvest facility sa buong bansa na makatutulong sa mga magsasaka.
Bukod pa sa pasilidad, itataas na rin aniya ang buying price sa mga fresh palay sa P21 kada kilo upang masuportahan ang mga magsasaka sa mga gastusin sa pagtatanim.