Inanunsyo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na agad sisimulan sa susunod na linggo ang pamamahagi ng UPLIFT Assistance ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa kalihim, tinatayang 7.5 milyong kabahayan ang makikinabang sa programa, na hahatiin sa tatlong pangunahing grupo.
Kabilang sa unang grupo ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program (WGP), na makatatanggap ng one-time na ₱2,000 na ayuda.
Aniya, ang karagdagang ayuda para sa mga 4Ps beneficiaries ay direktang ipapasok sa kanilang LandBank cash card o e-wallet, habang ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program ay makatatanggap ng ₱2,000 sa pamamagitan ng manual payout kasabay ng kanilang food redemption schedule.
Kasama naman sa ikalawang grupo ang 2.5 milyong mahihirap at near-poor households na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) ngunit hindi kabilang sa 4Ps at Walang Gutom Program.
Aabisuhan ang mga benepisyaryo para sa manual payout ng unang ₱2,000 cash assistance, kung saan mabeberipika rin ang kanilang mga detalye at mairehistro ang kanilang napiling digital bank o e-wallet para sa digital payout hanggang Disyembre.
Kabilang din sa programa ang 1.5 milyong low-income earners na tinukoy ng Social Security System (SSS).
Ang mga benepisyaryong ito ay awtomatikong makatatanggap ng ₱2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre sa kanilang enrolled SSS disbursement account.
Kung higit sa isang miyembro ng isang household ang kwalipikadong SSS member, ang pinakamatandang miyembro lamang ang tatanggap ng ayuda.
Ayon kay Sec. Gatchalian, target ng DSWD na maipamahagi ang malaking bahagi ng UPLIFT Assistance bago matapos ang buwan ng Hulyo.


