Pormal nang binuksan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ika-44 na Migrant Workers Office (MWO) sa Phnom Penh, Cambodia nitong Hulyo 14, 2026 upang lalo pang mapalawak ang serbisyo at proteksyon para sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa naturang bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, malugod nitong ibinahagi ang tagumpay ng operasyon ng bagong tanggapan.
Ayon sa kalihim, malaking tulong ito para sa mga Pilipinong nangangailangan nang mabilisang pagproseso ng mga dokumento at iba pang mahahalagang serbisyong pampamahalaan.
Kinumpirma rin ni Secretary Cacdac na ang bagong MWO sa Cambodia ay magsisilbi ring pansamantalang shelter o tuluyan para sa mga “distressed” na Pilipino partikular na ang mga naging biktima nang talamak na human trafficking at illegal recruitment.
Sa katunayan, kasabay ng pormal na pagbubukas ng tanggapan ay kaagad na napauwi ng DMW, katuwang ang mga lokal na ahensya ng Cambodia, ang ilang daang Pilipinong nasagip mula sa mga mapang-abusong sitwasyon, kung kaya’t napaigting pa ng pamahalaan ang mga hakbang laban sa mga sindikato ng illegal recruitment sa rehiyon.
Samantala, hiningan din ng pahayag ang kalihim hinggil sa kalagayan ng mga Filipino seafarer na patuloy na naiipit sa mapanganib na sitwasyon sa Strait of Hormuz sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin ni Secretary Cacdac na may humigit-kumulang 3,000 tripulanteng Pilipino pa rin ang kasalukuyang naglalayag at naiipit sa naturang waterway bunsod ng tensyon, habang nasa 400 naman ang ligtas na nakalabas na sa lugar.