Kumpiyansa ang prosecution head para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nasusunod nila ang timeline mula sa kanilang isinumite sa Senate Impeachment Court.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay House Lead Prosecution Panel, Representative Gerville Luistro, sinabi nito na mas mabilis pa ang takbo ng pagdinig sa impeachment trial ng ikalawang pangulo dahil nabawasan ang mga testigo na ipinrisinta nila sa korte.
Ito’y sa kadahilanang ang mga sasabihin ng mga susunod na testigo ay nabanggit na ng dalawang nauna na nilang ipinrisinta mula sa mga naging cross examination ng defense team.
Binigyang-diin din ng Kongresista na ano man ang ginagawa ng prosekusyon, ito ay resulta ng kanilang mga napagkasunduan at magrerepresenta sa buong prosecution panel.