Mariing kinondena ng grupong House Young Guns sa Kamara ang tahasang rasista at mapang-aping AI-generated video at mga editorial cartoon na inilathala ng China Daily, isang state-owned media outlet ng pamahalaan ng Tsina.
Sa isang magkasanib na pahayag, binatikos nina Deputy Speaker Paolo Ortega, Deputy Speaker Jay Khonghun, Congressman Zia Alonto Adiong, at Congressman Ernix Dionisio ang paglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Ayon sa mga mambabatas, hindi lamang ito simpleng pambabastos, kundi isang karumal-dumal at rasistang pag-atake na nagpapakita ng kawalan ng moralidad at desperasyon ng propaganda ng Beijing.
Dagdag pa nila, malinaw ang pattern ng Tsina: una nitong inangkin nang ilegal ang malalaking bahagi ng South China Sea na, anila, ay malinaw na pagmamay-ari ng Pilipinas sa ilalim ng international law.
Suportado rin ng House Young Guns ang pahayag na inilabas ng Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA) na kumokondena sa naturang propaganda.