Mariing kinondena ng ilang mga senador ang inilabas na AI-generated video ng state-run media outlet na China Daily na nagpapakita ng racist depiction sa mga Pilipino.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, nakababahala ang inilabas na propaganda ng China dahil hindi lisensiya ang freedom of expression kahit pa sa mga politikal na hindi pagkakaintindihan para i-dehumanize ang isang tao at hindi rin dapat palagpasin ang pangungutya sa dignidad ng mga Pilipino.
Dagdag pa ni Gatchalian na walang lugar sa isang sibilisadong lipunan ang anomang akto ng racism kaya naman mas makabubuti kung ibabalik sa matalinong usapan ang anomang dialogue sa pagitan ng Pilipinas at China.
Inilarawan naman ni Senador Kiko Pangilinan na mapanhamak ang inilabas na AI-generated ng China Daily at isa itong iresponsableng aksiyon mula sa China.
Nanawagan din ito sa pamahalaan ng China na agad ipatanggal ang nasabing post na puno ng kasinungalingan at misinformation.
Sa panig naman ni Senador Juan Miguel Zubiri, sinabi nitong tumawid na sa hangganan ang China dahil tila ba ibinibida pa ng mga ito ang akto ng karahasan at agresyon na ipinakita sa video.
Kaya naman hindi ito marapat sagutin at sa halip ay lalo pang igiit ng bansa ang karapatan nito sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng 2016 Arbitral Award.