Upang masigurong abot-kamay sa mga ordinaryo at nasa malalayong komunidad ang hustisya, ipinanukala ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang pagtatayo ng mga legal assistance desk sa mga barangay at mga mobile legal clinic sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng House Bill (HB) 9476, layon ni Yamsuan na gawing institusyon ang mga Mobile Legal Clinics (MLCs) at Barangay Legal Aid Desks (BLADs).
Layunin nitong mapunan ang malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mga marginalized sector pagdating sa pagkamit ng katarungan.
Giit ni Yamsuan, karapatan ng bawat Pilipino ang magkaroon ng libreng access sa sapat na serbisyong legal, pero marami sa ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa malalayong lugar, ang hindi nabibigyan ng ganitong serbisyo.
Paliwanag ng mambabatas, ang panukalang batas ay naglalayong tiyakin na walang hadlang sa hustisya at maihatid ang legal aid sa mismong grassroots.
Sa ilalim ng HB 9476, ang mga Mobile Legal Clinic ay patatakbuhin ng Department of Justice (DOJ) at ng Public Attorney’s Office (PAO).