Photo courtesy: RIMPAC
Tinawag ng North Korea na isang “puppet” o sunud-sunuran ang South Korea matapos nitong lumahok sa isang maritime exercise na pinangungunahan ng Estados Unidos na Rim of the Pacific (RIMPAC) sa Hawaii nitong nakaraang linggo.
Ayon sa state media ng North Korea na KCNA, pananagutan ng Seoul at Washington ang ano mang hindi inaasahang paglala ng tensyon sa rehiyon.
Sa kauna-unahang pagkakataon, pinangunahan ng South Korean Navy ang maritime forces sa RIMPAC – ang pinakamalaking pandaigdigang pagsasanay-pandagat na nilahukan ng humigit-kumulang 30 bansa, kabilang ang Japan, Canada at Australia.
Iginiit naman ng Pyongyang na hindi lamang ito isang karaniwang military drill kundi isang demonstrasyon ng lakas na umano’y nakatuon laban sa mga bansa sa Indo-Pacific.
Sa panig naman ng South Korea at Amerika, sinabi nito na ang layunin ng RIMPAC ay upang palakasin ang koordinasyon at kakayahan ng mga kaalyadong bansa sa pagtugon sa mga banta sa seguridad sa karagatan.
Habang nagpapatuloy ang magkasanib na pagsasanay, nananatiling mataas ang tensyon sa Korean Peninsula kasabay nang patuloy na pagpapalawak ng North Korea sa kakayahan ng kanilang militar, kabilang ang hukbong-dagat at missile program nito.