Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko ang pananatili nilang mapagbantay at patuloy na pagpapatupad ng mga programa para protektahan ang mga kabataan na sangkot sa content creation, lalo na ang mga batang 15-taong gulang pababa.
Sa gitna na rin ito ng lumalaking alalahanin sa mga posibleng pananamantala, pag-abuso at diskriminasyong nangyayari sa digital platforms.
Ipinaalala ni Labor Acting Secretary Francis Tolentino na ang mga bata ay maaari lamang masangkot sa content creation sa ilalim ng mga umiiral na pamantayan alinsunod sa Republic Act number 9231 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Kabilang aniya rito ay ang pagtatrabaho sa ilalim ng reponsibilidad ng kanilang mga magulang o legal guardian at kung saan tanging ang mga miyembro lamang ng kaniyang pamilya ang katrabaho o kung saan ang pagtatrabaho ng bata o partisipasyon sa public entertainment o information ay mahalaga.
Kasabay nito ang babala ni Tolentino sa mga employer, kabilang na ang mga magulang at legal guardians na ang paglabag sa mga panuntunang ito ay may katapat na parusa.
Kaugnay nito, sinabi ni Tolentino na patuloy nilang pinag-aaralan at ina-update ang mga patakaran at panuntunan lalo na sa mga uri ng mapanganib na trabaho, lugar ng paggawa at mga aktibidad ng mga bata kabilang sa digital platforms para matiyak ang pagiging epektibo nito.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila at nagsasagawa ng konsultasyon sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan at stakeholders para ma-review ang mga kasalukuyang patakaran hinggil sa child labor upang matugunan ang mga alalahanin kabilang ang mga batang nasa larangan ng content creation.